Kinondena ni Health Secretary Ted Herbosa ang paggamit umano ng medical assistance program ng Department of Health (DOH) para sa signature campaign para itulak ang Charter change.
Ayon sa kalihim, kung ito ay ginagamit para sa Charter change, siya mismo ang unang magpoprotesta dahil hindi ito ang intensyon ng programa nnang ipinasa ang General Appropriations Act. Ang alokasyon para sa naturang pera ay para sa medical assistance at hindi sa pagbabago ng Saligang batas.
Samantala, sinabi ni Health Undersecretary Eric Tayag na hindi alam ng DOH kung sino ang gumagamit ng medical aid program para sa signature campaign. Kaugnay nito, hinikayat ni USec. Tayag ang publiko na iulat ang mga ganitong nalalamang insidente sa mga awtoridad.
Iginiit ng DOH na ang tanging konsiderasyon para maging benepisyaryo ng kanilang medical assistance program ay ang assessment na nakalap mula sa mga rehistradong social worker.
Maaalala na nauna nang ibinunyag ni Senador Imee Marcos ang umano’y paggamit ng tulong pinansyal ng gobyerno para sa signature campaign.
Kabilang dito ang programang Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patient (MAIFIP) ng DOH, ang programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS), at ang Tulong Panghanapbuhay Sa Ating Disadvantaged/Displaced workers (TUPAD) ng Department of Labor and Employment (DOLE).