Nilinaw ng Department of Health (DOH) na wala silang kahit anong utos na nagbabawal sa mga laboratoryo na ipaalam sa mga pasyente ang resulta ng kanilang coronavirus tests kahit pa negatibo o positibo ito.
Ito’y makaraang lumabas ang isyu ukol sa isang laboratoryo na nagsabing halos 5,000 daw na coronavirus-positive individuals ang kailangangan pa nilang sabihan hinggil sa kanilang health status.
Sinabi ni Philippine Red Cross (PRC) Chairman Richard Gordon na tanging negative results lamang ang pwedeng ipaalam ng mga laboratoryo.
Kung sakali raw kasi na positibo ang resulta ay kinakailangan muna nilang ipadala ito sa health department saka lamang maaaring ipaalam ito sa concerned individual.
Aniya, dahil daw ito ay halos 5,000 katao pa ang hindi nakakaalam na sila ay carrier ng deadly virus.
Taliwas naman ito sa naging paliwanag ng DOH. Anila, responsibilidad ng mga laboratoryo na ipaabot sa mga indibidwal ang kanilang test results.
Sa ilalim ng Administrative Order No. 2020-0114-A, kailangang ipadala ng laboratoryo ang karagdagang reports sa local govenment unit ng concerned patient upang maayos ang isolation at contact tracing nito.