-- Advertisements --

Sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa Pilipinas, nanindigan ang Department of Health (DOH) na hindi Dengvaxia ang solusyon para tuluyang masugpo ang naturang sakit.

Kasabay ng deklarasyon ng National Dengue Epidemic kanina, sinabi ni Health Sec. Francisco Duque III na sapat ng basehan ang ulat ng World Health Organization (WHO) para hindi magdepende ang pamahalaan sa kontrobersyal na bakuna.

“Dengvaxia according to the WHO is not recommended for an outbreak response. This is not cost effective, this vaccine does not squarely address the most vulnerable group which is the 5 to 9 years of age,” ani Duque.

Nitong Lunes nang aminin ng Malacanang na ano mang sandali ay maglalabas ito ng desisyon hinggil sa panukalang pagbabalik ng Dengvaxia.

Ayon kay Duque, malaking pondo ng pamahalaan ang nasayang nang bumili ito ng kontrobersyal na bakuna noong 2016.

Ipinatigil din kasi ng kasalukuyang administrasyon ang paggamit nito noong 2017 matapos aminin ng manufacturer na Sanofi Pasteur na mapanganib para sa mga hindi pa nagkaka-dengue ang Dengvaxia.

Kaugnay nito, inanunsyo ng Department of Science and Technology ang ilan sa mga inisyatibo na kanilang nasimulan kontra mga kaso ng dengue.

“The DOST will rollout biotech and diagnostic kit (for dengue), developed by researchers from UP Manila. The kit offers a simplified method of confirming the presence of dengue virus in a patients blood, thus it can be use to detect dengue infections at the start of fever,” ani DOST Sec. Fortunato de la Peña.