TACLOBAN CITY – Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na hindi nila irerekomenda ang muling paggamit ng Dengvaxia vaccine sa kabila ng patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa buong Pilipinas.
Ito ang naging pahayag ni Health Sec. Francisco Duque sa isinagawang press conference sa lungsod ng Tacloban.
Ayon kay Duque, hindi nila isusulong ang pagbabalik ng nasabing bakuna sa merkado dahil mismong ang World Health Organization ay hindi ito inirerekomenda bilang outbreak response sa naturang sakit.
Dagdag pa ng kalihim, ito rin ay dahil walang reliable test o pag-aaral na nagpapatunay na ang Dengvaxia ay makakapag-establish ng zero dengue status.
Hindi rin aniya ito cost effective para sa mga pasyente dahil aabot sa P1,000 ang isang turok ng bakuna at bawat pasyente ay kailangang makapagpa-inject ng Dengvaxia nang tatlong beses.
Sa ngayon ay 98% nang mas mataas ang kaso ng dengue sa bansa kung saan umabot na ito sa 146,062 cases at 662 na ang namatay.
Ang nasabing pagbisita ni Sec. Duque sa Eastern Visayas ay may layuning makaharap ang mga local chief executives para sa isasagawang aksyon upang masolusyonan ang problema sa dengue.