TACLOBAN CITY – Kinumpirma sa ngayon ng Department of Heath (DOH) Regional Office-8 ang pangalawang positibong kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa buong Eastern Visayas.
Ayon kay Dra. Minerva Molon, regional director ng DOH Eastern Visayas, ang naturang pangalawang pasyente na nagpositibo sa COVID-19 sa rehiyon ay isang 63-anyos na lalaki mula sa Calbayog City sa Samar.
Sinabi pa nito, ang nasabing pasyente ay may travel history mula sa Maynila nang umuwi ito sa Calbayog City noong nakaraang mga linggo.
Mula umano nang mag-self-quarantine ang pasyente ay nakaramdam ito ng dry cough at ilang sintomas ng sakit kung kaya’t agad itong nagpakonsulta sa ospital.
Nabatid na ang ang naturang pasyente ay mayroon ding diabetes, asthma at hypertension.
Samantala, inanunsyo rin ng DOH Eastern Visayas na nagnegatibo na sa COVID-19 sa pangalawang resulta ng confirmatory test ang unang positive patient sa rehiyon mula sa Northern Samar at sa ngayon ay nananatiling asymptomatic at posibleng nang ma-discharge sa ospital.