BACOLOD CITY – Nagpaabot ng kanyang kalungkutan ang isang undersecretary ng Department of Health (DOH) na napasama sa sinampahan ng kasong reckless imprudence resulting to homicide dahil ng kontrobersya sa Dengvaxia vaccine.
Maalalang sa 78 pahinang resolusyon na inilabas ng Department of Justice kahapon, kasama si Dr. Gerardo “Jerry” Bayugo sa walong iba pa kasama si dating Health secretary at ngayon ay Iloilo Representative Janette Garin na kinasuhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay Dr. Bayugo, aminado ito na nalulungkot siya sa balita lalo na aniya at pagod na rin sila sa DOH sa pagbabantay sa development ng Coronavirus Disease o COVID-19 sa Pilipinas.
Sila pa aniya na nagtatrabaho ng tama ay siya pang nahaharap sa mga kaso.
Napag-alaman na kasama si Dr. Bayugo sa team ng DOH na umasikaso sa mga Pinoy na nanggaling sa Wuhan City, China at isinailalim sa quarantine sa New Clark City, Tarlac at ngayong araw ay inaasahan na uuwi na lang sa kanilang mga bahay ang unang batch.
Aniya, naghahanda na rin sina Dr. Bayugo sa pagdating ng mga Pinoy crew ng Diamond Princess cruise ship na naka-quarantine sa Japan.
Ngunit kagaya ng unang walong kaso na isinampa sa kaniya dahil sa Dengvaxia at pito dito ay na-dismiss na, umaasa ang doktor na hindi magtatagumpay ang panibago na namang reklamo na kinakaharap.
Ang masakit lang ngayon aniya ay ang paghahanap na naman daw nang mauutangan upang makabayad siya ng piyansa kung sakali.