MANILA – Aminado ang Department of Health (DOH) at mga eksperto na may posibilidad na sumirit muli ang mga kaso ng COVID-19 sa Pilipinas pagpasok ng 2021.
Batay sa initial projection ng OCTA Research Team at mga eksperto ng FASSSTER (Feasibility Analysis of Syndromic Surveillance using Spatio-Temporal Epidemiological Modeler), mataas ang tsansa ng “surge” o pagsipa sa bilang ng coronavirus cases sa huling bahagi ng Enero.
Ito ay kung hindi raw maipapatupad ng strikto at wasto ang mga patakaran sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon ngayong panahon ng pandemya.
“Cases in NCR may reach upwards of 4,000 per day which may overwhelm our health system capacity to upwards of 80% utilization by end of January if we do not act aggresively to halt transmission now,” ayon sa DOH.
Paliwanag ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire, na-obserbahan ng ahensya na patuloy ang pagtaas ng COVID-19 cases sa iba’t-ibang lugar. Itinuturing daw ito na hudyat ng pagsisimula ng “surge” sa bilang ng mga kaso.
Nakita rin daw ng DOH ang pagbagal ng “decreasing trend,” o pababang numero ng mga bagong tinatamaan ng sakit.
“It’s not a surge yet, pero nakikita natin na ang mga kaso ay tumataas sa ibang bahagi ng bansa. Mayroon ng areas na nag-plateau ang kanilang pagbaba ng kaso. Ito ay something that would be risky dahil maaaring tumaas,” ani Vergeire sa isang media forum.
HOSPITAL BED UTILIZATION
Sa kabila nito, nananatili naman daw sa low risk na 36% ang antas ng utilization rate ng mga COVID-19 beds sa mga ospital sa buong bansa.
Pero ayon kay UP-Philippine General Hospital (UP-PGH) director Dr. Gerardo Legaspi, hangga’t maaari ay maghanda na ang mga ospital sa posibleng pagsugod ng mga bagong kaso pagkatapos ng holiday season.
Bukod kasi sa banta ng COVID-19, inaasahan din daw ng health sector ang pagsulpot sa ospital ng non-COVID patients.
“Ngayon dumadami na ang non-COVID patients na pumupunta sa ospital kaysa COVID. Siguro mararamdaman ng mga ospital na bumibigat ang load ng pasyente sa non-COVID at maaaring makalimita ito sa serbisyo sa COVID patients,” ani Legaspi.
“Kailangan namin ng tulong ng iba’t-ibang kasama sa healthcare na ang koordinasyon ng mga pasyenteng non-COVID ay maging mas efficient para hindi sila matanggalan ng kama,” ani Legaspi.
“We are trying to prepare the system if and when this surge happen we need to have all hospitals compliant to the mandated dedicated beds,” ayon kay Vergeire.
Nilinaw ni Dr. Guido David ng OCTA, na hindi naman nila nakikitang sasampa sa halos 5,000 ang bilang ng mga bagong kaso kada araw dahil sa inaasahang “post-holiday surge.”
“The 4,000 cases is actually on the higher end of the projection, not on the lower end. It is a critical number. The last time we went to MECQ, we were at 2,000 cases per day in Metro Manila.
“The FASSSTER projection is not so far. It’s around 3,500 by the end of January. It’s at the end, the worst possible scenario towards the end (of January),” ani Dr. Elvira de Lara-Tuprio ng Ateneo de Manila University.
HEALTH PROTOCOLS ENFORCEMENT
Binigyang diin ng DOH na mahalaga ang pagsunod ng publiko sa minimum health standards para maiwasan ang banta ng “post-holiday surge.”
Inirekomenda ni Dr. Antonio Dans ng Healthcare Professionals Alliance Against COVID-19 (HPAAC) ang kanilang “APAT Dapat” strategy laban sa risk ng COVID-19 infection.
Kabilang dito ang pagsisigurong may sapat na hangin o ventilation ang lugar kung saan magtitipon ang publiko o magpa-pamilya; pagsunod ng physical distancing; palagiang pagsuot ng face mask at face shield; at limitadong oras ng contact sa ibang tao at pampublikong lugar.
“In summary, at least three out of four ang sundin. That is the passing mark. Pag isa o dalawa lang ang masusunod, hindi sapat ‘yon.”
Ang Department of Interior and Local Government (DILG) naman, naka-alerto na rin sa pagpapatupad ng patakaran sa mga lokal na pamahalaan ngayong magpa-Pasko at Bagong Taon.
“We recognize the local autonomy of our LGUs. Sila mismo bilang head ng task force sa kanilang lokalidad. Dito sa NCR, yung PNP ang mage-enforce ng guidelines at policies, sa pakikipag-tulungan sa local officials, especially sa barangay level,” ani DILG Usec. Bernardo Florece.