Nagsanib pwersa ang Department of Health, Food and Drugs Administration at Professional Regulation Commission (PRC) para imbestigahan ang umano’y unethical practices ng local pharmaceutical company na pinapatakbo ng mga physician.
Kaugnay nito, nagkasundo ang DOH sa pamamagitan ng public health ethics committee, FDA at PRC na bumuo ng isang joint committee for investigation (JCI) kung saan iimbitahan din nila ang Securities and Exchange Commission.
Ayon sa DOH, tutulong ang bubuuing komite na mabawasan ang redundancy sa isyu at mapabilis ang due process requirements kaugnay sa maraming alegasyon na idinulog sa pagdinig ng Senado para matiyak na maprotektahan ang integridad ng medical profession habang pinapanagot ang mga mapatunayang lumabag sa batas, panuntuna at regulasyon.
Kukunin din ng komite ang inputs at komento ng professional bodies gaya ng Philippine Medical Association (PMA), Philippine Pharmacists Association at Philippine Hospital Association (PHA).
Humahanap din ng posibleng mekanismo ang komite para maprotektahan ang mga whistleblower para makapagbigay ang mag ito ng impormasyon at ebidensoya.
Ang naturang hakbang nga ay matapos na magsagawa ng pagdinig ang Senado noong Abril 30 kaugnay sa umano’y unethical marketing practices ng Bell-Kenz Pharmaceutical Inc.
Ito ay matapos na ibunyag ni Senador Jinggoy Estrada na may sangkot umano ang naturang pharma company sa multi-level marketing scheme. Nagsimula umano ang kanilang operasyon noong 2006 at nagrerecruit ng mga doktor sa halip na medical representatives para magrekomenda ng kanilang mga produkto sa mga pasyente kapalit umano ng malaking komisyon at labis na insentibo na malinaw umanong paglabag sa kanilang ethical principles.
Samantala, hinimok naman ng DOH ang publiko partikular ang mga mayroong impormasyon na maaaring makatulong sa imbestigasyon ba tumawag lamang sa FDA Field Regulatory Operations Office.