Hindi magpapatupad ng lockdown sa gitna ng pagkakadetect ng mga kaso ng mpox sa ilang lugar sa bansa.
Ayon sa Department of Health, sa kabila ng patuloy na community transmission ng sakit, nagawang mapangasiwaan ng ahensiya ang mpox clade II.
Simula aniya noong 2022, walang naitalang nasawi sa Pilipinas dahil sa mpox habang 9 ang ganap nang gumaling mula sa naturang sakit.
Kasalukuyang nagrerekober na rin aniya ang lahat ng 14 na aktibong kaso na mpox clade II, ang mas mild na variant ng mpox.
Naging daan aniya ang ipinairal na mpox response ng DOH kabilang ang maagap na pagsusuri, contact tracing at home care para mapigilan ang transmission.
Sa isang press conference ngayong araw, sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na nakipagpulong siya kasama ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) kaugnay sa mpox noong nakalipas na linggo.
Dito, sinabi ng kalihim sa miyembro ng IATF na hindi magpapatupad ng lockdown, border control at pagsusuot ng mandatory face mask dahil kaya aniyang pangasiwaan ng DOH ang sakit.
Hindi din aniya ito mabilis na kumalat di tulad ng COVID-19.
Samantala, ayon sa DOH, maaaring mapatay ang virus sa pamamagitan ng pagtatakip ng balat o pagsusuot ng may manggas kapag nasa mataong mga lugar at madalas na paghuhugas ng kamay gamit ang sabon at malinis na tubig o paggamit ng alcohol sanitizers.
Bagamat inaasan aniya na tataas pa ang mga kaso ng mpox sa gitna ng isinasagawang testing, ipinaliwanag ng DOH na ang pagtaas ng case counts ay hindi nangangahulugan ng pagtaas ng impeksiyon.
Samantala, iniulat din ng kalihim na pumalo na sa 14 ang aktibong kaso ng mpox matapos madagdagan ng 6 at kasalukuyang nagrerekober na sa kanilang bahay. Bunsod nito, nasa kabuuang 23 na ang naitalang dinapuan ng mpox mula noong July 2022 na mula sa Metro Manila, Calabarzon at Cagayan Valley.