-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Naniniwala si dating National Task Force against COVID-19 special adviser Dr. Tony Leachon na buwan pa lamang ng Abril 2021 ay posibeng mayroon ng kaso ng Delta variant sa Pilipinas.

Sa nasabing buwan kasi, naitala sa bansa ang highest-ever new COVID-19 cases na umabot sa mahigit 15,000.

Ayon kay Leachon sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, hindi naging transparent ang Department of Health (DOH) ukol sa datos o estado ng mga variants of concern sa bansa.

Dulot nito, hindi agad nakagawa ng hakbang ang pamahalaan upang mapigilan sana ang pagkalat ng mas mapanganib na sakit.

Dapat aniya, buwan pa lamang ng Hunyo ay nakapagdeklara na ng travel ban ang bansa.

Kung titingnan kasi, nasa paanan lamang ng Pilipinas ang bansang Indonesia na una ng nakapagtala ng pagtaas ng kaso ng Delta variant.

Matatandaang buwan ng Hunyo ng unang makapagtala ng kaso ng Delta variant ang bansa na karamihan ay mula sa mga oversease Filipino workers (OFWs).

Samantala, binigyang diin ni Leachon na nagkulang ang pamahalaan sa tatlong bagay kabilang na dito ang hindi pagiging transparent, mahinang implementasyon ng health care capacities at mabagal na vaccination.

Kaya ang resulta ay paulit-ulit na pagpapatupad ng lockdown dahil kung hindi ito gagawin hindi kakayanin ng bansa ang bagsik ng mas mapanganib na variant ng COVID-19.