Hinihikayat ng Department of Health (DOH) ang mga nagdadalang tao na kababaihan na humingi ng pre-natal at post-natal care at ligtas na manganak sa isang health facility ngayong panahon na ito.
Ito ay matapos na makapagtala ang kagawaran ng mataas na bilang ng mga namamatay na ina ngayong panahon ng pandemya.
Ayon kay Dr. Zenaida Recidoro ng DOH adolescent and maternal health division, nasa average na limang pregnant women ang namamatay araw-araw sa Pilipinas noong taong 2020 dahil sa maternal causes.
Sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), noong taong 2020 ay tumaas ang maternal mortality rate sa bansa mula sa 87 ay tumaas sa 123 kada 100,000 na live births.
Nangangahulugan ito na 1,975 sa 1,528,684 na panganganak ang namatay dahil sa maternal causes noong 2020, habang 1,458 naman sa 1,673,923 na panganganak ang nasawi sa parehong dahilan noong 2019.
Ngayong taon, target ng DOH na mas mapababa pa ang maternal mortality ratio sa bansa sa 90 kada 100,000 panganganak sa pamamagitan ng antenatal or pre-natal care coverage, facility-based delivery, post-natal care coverage, at pagbabawas sa mga hindi natutugunan na mga pangangailangan para sa pagpaplano ng pamilya.