-- Advertisements --

Ngayong mayroon ng nadetect na mga kaso ng Omicron subvariants na BA.1.12 at BA2.12.1 sa Pilipinas, hinihimok ngayon ng Department of Health (DOH) ang mga lokal na pamahalaan at laboratoryo na gamitin ang reverse transcription-polymerase chain reaction (RT-PCR) kesa sa rapid antigen para sa COVID-19 testing.

Ayon kay tagapagsalita ng Health department at Undersecretary Maria Rosario Vergeire ang hakbang na ito ay para matiyak na madetect ang presensiy ng ibang sublineages ng COVID-19 variants.

Tanging ang eligible swab samples lamang kasi mula sa kumpirmadong kaso ng COVID19 na nasuri sa pamamagitan ng RT-PCR test ang isinasailalim sa whole genome sequencing ng Philippine Genome Center (PGC) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Ang samples na naproseso sa pamamagitan ng antigen tests ay hindi kwalipikado para sa genome sequencing.

Ayon kay Vergeire hindi na kailangan na baguhin ang testing protocols para sa COVID-19 subalit kailangan na magpokus sa RT-PCR testing.

Alinsunod sa protocol, ang isang swab sample ay subject para sa genome sequencing kapag mayroong cycle threshold value na mababa sa 30.

Sa ngayon, base sa ulat ng DOH mayroong isang kaso ng BA.2.12 habang nasa 17 kaso ng BA.2.12.1 ang nadetect sa bansa.