Hinimok ng Department of Health ang publiko na iprayoridad ang road safety sa gitna ng inaasahang pagbuhos ng mga biyahero sa Holy week.
Sa panahong ito kasi nakagawian na ng mga Pilipino na magtungo sa mga probinsiya, sa mga pasyalan at lugar ng sambahan kayat sinabi ng DOH na ang panganib ng mga aksidente sa kakalsadahan ay tumataas.
Kaugnay nito, binigyang diin ni Health Secretary Ted Herbosa ang kahalagahan ng road safety para maiwasan ang mga aksidente sa kalsada.
Kaisa din aniya ang DOH sa patnubay ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr sa pagsusulong ng road safety para sa lahat.
Samantala, hinihikayat naman ng DOH ang mga motorista na siguruhing dumaan sa regular maintenance checks ang mga sasakyan bago ang mahabang biyahe at dapat may sapat na pahinga ang magmamaneho bago bumiyahe.
Pinapayuhan din ang mga ito na iwasang uminom ng alak, manatiling pokus sa pagmamaneho at magpahinga saglit para manatiling hydrated sa mahabang biyahe.
Ayon sa DOH, layunin ng guidelines na mabawasan ang panganib dulot ng mga aksidente sa kalsada at matiyak ang ligtas na biyahe ng lahat sa mahal na araw.