NAGA CITY – Hinikayat ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibleng mga indibidwal na may nalalaman pa patungkol sa mga iregularidad na ginagawa ng ilang health care facilities matapos na mabunyag ang “ghost dialysis†ng WellMed dialysis center.
Sa pagharap sa mga kagawad ng media sa Naga City ni DOH Sec. Francisco Duque III, hiningi nito ang tulong ng mga mamamahayag upang matulungan silang himukin ang lahat ng taong may nalalaman sa ginagawang pandaraya ng ilang health care facilities.
Ayon kay Duque, hindi dapat matakot ang mga mamamayan sa pagpaabot ng anumang impormasyon sa mga kinauukulan lalo na sa opisina ng Philhealth.
Kailangan ayon sa kalihim na magtulungan ang lahat upang maprotektahan ang iba’t ibang health care resources na nagpapahintulot sa Philhealth na maipagpatuloy ang operasyon ng health care providers.
Binigyang-diin ni Duque ang pagkondena ng kagawaran sa WellMed at ang pagtiyak na walang kukunsintihin na mga health care facilities sakaling mapatotoohang sangkot sa nasabing operasyon.
Una rito, naging bisita ng lungsod ng Naga ang opisyal kaugnay ng isinagawang blessing at inauguration ng Regional Cancer Center Building ng Bicol Medical Center.