-- Advertisements --

Nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi nila tuluyang isinasantabi ang option na home quarantine para sa mga mild at asymptomatic cases ng COVID-19.

Tugon ito ng ahensya sa pahayag ni Cabinet Sec. Karlo Nograles na nagsabing hindi na inirerekomenda ng pamahalaan ang home quarantine. At sa halip, dapat maging facility-based na ang pagpapagaling ng mga confirmed cases.

Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, may kaukulang panuntunan ang pagsasailalim sa home quarantine ng isang mild o asymptomatic na pasyente sa COVID-19.

“Home quarantine is allowed pero ang sinasabi ko nga, may mga kondisyon tayo para mag-home quarantine.”

“Ngayon kung hindi rin naman maco-comply with yan, hindi na dapat tayo mag-home quarantine doon na lang tayo sa temporary treatment and monitoring facilities.”

“Kailangan lang talaga mayroon silang sariling banyo, sariling kwarto kung talagang sa bahay ilalagak. And then they should be monitored properly.”

Sa ngayon 38-percent lang ng 3,193 bed capacity ng 14 na MEGA quarantine facilities sa Metro Manila ang okupado ng COVID-19 patients.

Mas mababa naman ang occupancy rate ng higit 70,000 Ligtas quarantine facilities sa malaking bahagi ng bansa na nasa 25-percent lang

Sa ngayon may 12,684 suspected and probable cases na naka-home quarantine.

Ang ibang LGUs, kumilos na raw at inilapat sa community quarantine facilities ang mga residenteng confirmed case at nagpapagaling sa kanilang mga bahay.

Ang iba namang patapos na sa kanilang quarantine ay hinayaan na sa mga bahay nila, kakambal ng maigting na pagbabantay.

Aminado ang DOH na isa sa mga itinuturing ngayon na driver o dahilan ng community transmission ang mga confirmed case na sa bahay lang naka-quarantine.

Kaya paalala ng ahensya sa mga LGUs dapat paigtingin ang pagbabantay sa mga residenteng naka-home quarantine, pati na ang referral ng mga ospital sa mild at asymptomatic cases papuntang quarantine facilities.

“Sa tingin namin, with adequate monitoring we can be able to ensure na talagang magkakaroon ng strict implementation of these standards that we have for quarantine.”