Nilagay na sa ilalim ng code white alert ang mga ospital ng Department of Health at health facilities sa Calabarzon region hanggang sa araw ng Linggo, Oktubre 27.
Ang code white alert ay tumutukoy sa kahandaan ng mga medical personnel sa mga ospital at health offices para magbigay ng kaukulang health services.
Kaugnay nito, ayon kay DOH Assistant Secretary Ariel Valencia, hinihimok ang lahat ng probinsiya sa Calabarzon na itaas ang code alert sa kanilang nasasakupan bilang tugon sa posibleng epekto ng bagyo at alinsunod sa sitwasyon sa kanilang area of responsibility.
Samantala, muling nagpaalala naman ang DOH sa publiko na maaaring tumawag sa Telekonsulta hotline para magpakonsulta at makakuha ng gabay sa mga dapat na gawin sakali mang hindi maiwasang lumusong sa baha o nababad sa ulan dala ng bagyo, nakakain o nakainom ng tubig na kontaminado dulot ng bagyo at pagbaha at nakakaramdam ng sintomas matapos maulanan o ma-expose sa kontaminadong tubig o baha. Agad ring komonsulta sa pinakamalapit na health facility para sa wastong reseta ng gamot.
Sa panig naman ng Department of Social Welfare and Development, una ng tiniyak ng ahensiya na may nakalatag ng preparedness measures sa mga lugar na dadaanan ng bagyong Kristine.
Inatasan na rin ni DSWD ASec. at Disaster response Management Group head Irene Dumlao ang DSWD regional directors sa mga apektadong lugar na maghanda para sa pagtulong at pagbibigay ng relief assistance sa mga sinalantang residente.