Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa publiko na wala pang napapatunayan na epektibong panggamot sa sakit na dengue.
Sa patuloy na pagtaas ng kaso ng dengue sa Pilipinas, sinabi ni DOH medical officer Dr. Kim Patrick Tejano, na ang mga virus ay mahirap magkaroon ng antivirals.
Sinabi ni Tejano na mayroon pa ring patuloy na pag-aaral sa mga posibleng panggamot para sa dengue, ngunit wala pa ring itinuturing na epektibo sa ngayon.
Samantala, muling iginiit ni Tejano ang babala ng DOH sa paggamit ng alternative at herbal treatments para sa dengue tulad ng tawa-tawa, siling labuyo, at bayabas.
Ayon sa DOH, ang pinakamahusay na paraan para labanan ang sakit ay sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga lamok.
Inirerekomenda nito ang pagsusuot ng mahabang manggas na damit at pantalon upang mabawasan ang pagkakalantad sa balat at gumamit ng mga lotion at spray na panlaban sa lamok.
Hinikayat din ang mga Pilipino na kumonsulta ng maaga sa doctor kung makaranas sila ng mga sintomas tulad ng lagnat, pananakit ng ulo, pananakit ng kalamnan at kasukasuan, pagduduwal, o pantal. Para kay Tejano, ang susi sa pag-iwas at pagkontrol sa dengue ay ang maagang diagnosis.