Binigyang-diin ng Department of Health (DOH) na hindi umano nila pinapaboran ang Chinese vaccine developer na Sinovac.
Pahayag ito ng DOH matapos ianunsyo ng Malacanang na nakakuha ito ng 25-milyong doses ng COVID-19 vaccine mula sa naturang pharmaceutical company.
Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, hindi lamang daw isa o dalawa ang tinitingnan ng gobyerno na mga bakuna laban sa coronavirus na puwedeng iturok sa mga Pinoy.
Paliwanag ni Vergeire, madadaan din umano sa pag-uusap ang presyo ng mga bakuna, na maaari pa raw mapababa kumpara sa idineklarang halaga ng mga vaccine developers.
Batay sa datos na inilabas ng tanggapan ni Sen. Sonny Angara, naglalaro sa P3,600 kada dose ang bakuna ng Sinovac, na ikalawa sa pinakamahal sa listahan kasunod ng Moderna.
Sinabi naman ng opisyal na hindi pa nila maaaring isapubliko ang presyo ng mga bakuna na under negotiation pa dahil sa confidentiality data agreement.
Sinasabing ang bakuna mula sa Sinovac ang isa sa kauna-unahang mga bakuna na makakapasok sa bansa dahil sa availability ng supply.