-- Advertisements --

ILOILO CITY – Isasailalim sa mortality review ang 11 mga COVID-19 patients na namatay sa Western Visayas.

Ito ang kasunod ng pagkamatay ng isang pasyente mula sa bayan ng Anilao, Iloilo matapos umanong pabayaan ng Western Visayas Sanitarium kung saan ito naka-quarantine.

Una nang inihayag ng nasabing ospital na myocardial infraction o heart attack ang dahilan ngunit duda naman ang pamilya ng nasabing COVID-19 patient.

Ayon kay Dr. Marlyn Convocar, director ng Department of Health Region 6, magsisimula na sa susunod na linggo ang mortality review para sa lahat ng mga pasyente na namatay dahil sa COVID-19.

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Anilao, Iloilo Mayor Lee Anne Debuque, sinabi nito na handa silang tumulong sa pamilya kung balak nilang pa-iimbestigahan ang naturang pangyayari.