Naglabas ng abiso ang Department of Health sa publiko partikular na sa mga responder, volunteers at clean-up workers kaugnay sa masamang epekto sa kalusugan sakaling ma-expose sa tumagas na langis mula sa lumubog na Motor Tanker Terra Nova sa parte ng Manila Bay malapit sa Limay, Bataan.
Paalala ng ahensiya na dapat magsuot ng protective gear gaya ng gown, guwantes, bota at glasses. Hugasan ang damit at glasses matapos ang bawat clean-up operation at itapon ng maayos ang ginamit na guwantes.
Maliban dito, ipinayo din ng DOH na kapag na nadikit sa balat ang langis o tar ball, agad na hugasan ng sabon at tubig.
Kapag nalagyan naman ng langis ang damit, hugasan ito subalit iwasang gumamit ng matapang na detergents, solvents o iba pang kemikal.
Huwag hayaan din ang mga alagang hayop na magtungo sa mga lugar na kontaminado ng langis.
Tiyakin na lahat ng basura, debris at leftover items na apektado ng tumagas na langis ay naitapong mabuti at sa maayos na paraan.