Inilagay ng Department of Health (DOH) ang mga ospital sa code white alert dahil milyun-milyong indibidwal ang inaasahang babiyahe sa mga probinsiya at magtutungo sa mga worship spots sa Holy week.
Ayon sa ahensiya, idinedeklara ang code white alert tuwing national events, holidays o celebrations na maaaring magdulot ng mass casualty incidents o emergencies.
Inihayag ni Health Secretary Ted Herbosa na nakikiisa ang DOH sa pamilyang Pilipino sa mataimtim at malusog na pag-obserba ng Holy week ngayong taon.
Kasunod rin aniya ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang mga ospital ngayon ay naka-Code white alert para laging handa na asikasuhin ang mga pasyente sakaling magkaroon ng anumang medical crisis.
Samantala, dahil nataon ang Holy week sa pagsisimula ng panahon ng tag-init sa bansa, hinimok ng DOH ang publiko na uminom ng maraming tubig, iwasang mabilad ng matagal sa araw, mag-ingat sa mga sakit na maaaring makuha ngayong tag-init at bantayan ang mga bata kapag sila ay lumalangoy.