-- Advertisements --

Ipinag-utos ng Department of Health (DOH) sa lahat ng ospital ng gobyerno at health facilities ang pag-reactivate sa dengue fast lanes sa gitna ng patuloy na pagsipa ng mga dinadapuan ng sakit.

Ito ay para matiyak na rin ang mabilis na triage, pag-diagnose at paggamot sa mga hinihinalang kaso ng dengue.

Inihayag naman ng health department na may nakahandang libu-libong mga dengue kits para magamit ng mga lokal na pamahalaan.

Sa kasalukuyan, base sa datos ng DOH mula Enero 1 hanggang Pebrero 15, nakapagtala na ng kabuuang 43,732 dengue cases, tumaas ito ng 56% mula sa mga kasong naitala noong parehong panahon sa nakalipas na taon.

Iniugnay ng ahensiya ang pagtaas ng mga kaso sa pinaigting pang public awareness at kolektibong aksiyon kasunod ng kamakailang information drives.

Samantala, hinimok ng DOH ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng lahat ng kinakailangang preventive measures para malabanan ang pagkalat ng sakit gaya ng pagsasagawa ng clean-up drives para mahanap at mapuksa ang mga pinamumugaran ng mga lamok at pagsasagawa ng fogging sa mga hostpot area na may mataas na kaso ng dengue.