Irerekomenda umano ng Department of Health (DOH) ang pagtapyas sa presyo ng nasa 120 “high-cost” medicines bilang bahagi ng maximum drug retail price (MDRP) scheme.
Sa isang pahayag, sinabi ni DOH Usec. Eric Domingo na saklaw sa listahan ang mga gamot sa nagungunang mga sakit sa bansa gaya ng hypertension, diabetes, sakit sa puso, chronic lung diseases, neonatal diseases, at iba’t ibang uri ng cancer.
Kasama rin umano sa talaan ang mahal na mga treatments para sa chronic renal disease, psoriasis, at rheumatoid arthritis.
“Drug prices must come down to fair and affordable levels. We have to achieve universal health care, financial risk protection and prevent disaster sa pamilya,” wika ni Domingo.
Sa ilalim ng MDRP scheme, nasa 56% ang bawas presyo sa piling mga gamot.
Ayon kay Domingo, nagbabayad pa raw kasi ng mahal ang mga Pilipino para lamang makabili ng gamot kumpara sa ibang mga bansa.
Isusumite ni Health Sec. Francisco Duque III ang listahan kay Pangulong Rodrigo Duterte, na inaasahang maglalabas ng executive order.