MANILA – Kinumpirma ng Department of Health (DOH) na may ugnayan sa cluster ng COVID-19 cases sa Metro Rail Transit (MRT-3) ang isa sa mga naitalang bagong kaso ng UK variant.
“A 46-year old female from Pasay City tested positive for the variant and connected siya sa cluster ng MRT cases kasi yung anak niya was from MRT, nagta-trabaho doon,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Noong Enero, 36 na empleyado ng MRT-3 depot ang nag-positibo sa COVID-19. Kabilang na rito si General Manager Rodolfo Garcia na namatay dahil sa naturang sakit.
Kung maalala, nag-ulat ang DOH noong Biyernes ng 19 na bagong kaso ng mas nakakahawang UK variant.
Mula sa 19, anim ang may status na “for validation” noong nakaraang linggo, dahil inaalam pa kung sila ay local cases o returning overseas Filipino.
Sa isang press briefing nitong araw, idinetalye na ng DOH ang mga impormasyong nakalap tungkol sa anim na kaso, kabilang na ang sinasabing konektado sa MRT cluster.
Batay sa datos ng Health department, kasali rin sa anim na bagong kaso ang isang 20-anyos na babaeng mula Mountain Province.
“The case tested positive during here pre-departure test done here in NCR last January 12, and then she was initially tagged as NCR case kasi dito siya nagpa-test kasi she was planning to leave the country.”
Kasalukuyang naka-isolate sa kanilang probinsya ang babae, at iniimbestigahan ng DOH regional office.
Kabilang din sa mga bagong kaso ang isang 37-anyos na lalaking taga-Bukidnon. Ayon kay Vergeire, natukoy sa imbestigasyon na bago nagkasakit ang indibidwal ay matagal itong tumira sa Metro Manila dahil sa training.
“The case initially tested positive noong January 25 at kasalukuyang naka-isolate sa isang facility.”
Ang isa pang nag-positibo sa UK variant ay isang 25-anyos na babaeng may address na Dasmarinas City, Cavite. Naka-isolation siya ngayon sa Central Luzon habang nag-iimbestiga ang regional office.
Isang returning overseas Filipino (ROF) mula Morocco naman ang isa pang tinamaan ng bagong variant.
“A 47-year old female with an address in Las Pinas… arrived in January 12. The initial swab collected to this date turned out to be positive and the case completed the required 10-day isolation.”
“A second swab was done again and still the case was positive so she was advised to continue isolating at home.”
ICYMI: There are now 44 cases of the "more transmissible" COVID-19 UK variant in the country following the report of additional 19 new cases, according to DOH. | @BomboRadyoNews pic.twitter.com/rj7R8yzO9l
— Christian Yosores (@chrisyosores) February 12, 2021
Samantala, bini-beripika pa raw ng DOH kung ROF o local case ang 49-anyos na lalaking taga-Rizal na panghuli sa anim na bagong kaso ng UK variant.
Sa ngayon, may natunton na raw na 107 close contacts ang DOH mula sa 3 UK variant case sa Davao region; 12 mula sa mga bagong kaso sa Mountain Province; at 50 sa Ilocos Norte.