
Isusulong ng Department of Health (DOH) ang legalisasyon ng paggamit ng marijuana o cannabis para sa medical purposes.
Muling pinatunayan ni DOH Sec. Ted Herbosa ang kanyang suporta para sa legalisasyon ng medical marijuana at mga produkto nito.
Ayon kay Herbosa, napakahirap mag-angkat ng medical cannabis sa bansa sa kabila ng pagkakaroon ng compassionate use permit.
Ito ay dahil kailangan munang humiling ng papeles sa Food and Drug Administration (FDA) ang isang doktor upang makakuha ng medical cannabis.
Binigyang diin din ni Herbosa na mahigit sa 60 mga bansa ang nag-legalize na ng medikal na cannabis.
Sinabi ng DOH chief na ang medical cannabis ay magiging kapaki-pakinabang para sa mga dumaranas ng cancer, glaucoma, at seizure disorder, bukod sa iba pang mga sakit.
Gayunpaman, nauna nang sinabi ni Herbosa na hindi siya pabor sa pagtatanim at paggawa ng marijuana sa bansa.