Itinaas ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert mula Abril 13 (Linggo ng Palaspas) hanggang Abril 20 (Linggo ng Pagkabuhay) bilang paghahanda sa mga posibleng insidente ngayong Mahal na Araw.
Ang Code White Alert ay ipinapatupad tuwing may malalaking kaganapan o national events upang matiyak na handa ang mga ospital at medical personnel, lalo na sa emergency at critical care units, sakaling tumaas ang bilang ng pasyente dahil sa aksidente, pinsala, o epekto ng matinding init ng panahon.
Hinimok ni Health Secretary Ted Herbosa ang publiko na maging maingat sa biyahe at umiwas sa sobrang init upang maiwasan ang heat stroke.
Dagdag pa niya, nakaantabay ang mga DOH hospitals upang tumugon sa anumang pangangailangang medikal ngayong Mahal na Araw.