
MANILA – Iginiit ng Department of Health (DOH) ang kahalagahan ng mahigpit na kontrol sa mga border ng bansa para maagapan ang pagpasok sa Pilipinas ng “Delta” variant ng COVID-19.
Sinasabing mas nakakahawa ang Delta o B.1.617.2 variant ng SARS-CoV-2 virus, na unang nadiskubre sa India.
Taglay nito ang mga katangian na halos kapareho ng sa Alpha variant (B.1.1.7), at Beta variant (B.1.351).
“Ang pinakaimportante is our border control. Kailangan po pare-pareho ang ipatupad accross the regions at kung ano ang inirerekomenda natin base sa advice ng ating experts, ipatupad natin nang maayos,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire sa Laging Handa public briefing.
Ayon sa opisyal, nakatulong ang mahigpit na border control para hindi na makapanghawa ang 13 Pilipinong seaman na pare-parehong tinamaan ng naturang variant.
Kung maaalala, dumaong ang barkong MV Athens Bridge sa Maynila noong Mayo matapos mag-positibo sa COVID-19 ng ilang crew.
Sa huling datos ng DOH, 13 kaso ng Delta variant pa lang ang naitatala sa Pilipinas.
“Nakikita nating gumagana ang ating protocols dahil ang 13 na taong may Indian variants na na-detect sa bansa na-detect natin ‘yan through protocols in the broders so sana ituloy natin itong mahigpit na border control para ma-prevent natin na it reaches our community.”
Hanggang sa katapusan ng Hunyo, nakapataw ang travel ban ng Pilipinas mula sa mga biyaherong galing ng India, Pakistan, Bangladesh, Sri Lanka, Nepal, United Arab Emirates, at Oman.