MANILA – Mismong Department of Health (DOH) na raw ang maghahain ng aplikasyon para magkaroon ng emergency use sa Pilipinas ang COVID-19 vaccine ng Chinese company na Sinopharm.
Ito ang inamin ni Health Sec. Francisco Duque III, matapos mapasali sa emergency use listing ng World Health Organization (WHO) ang Sinopharm vaccine.
Ayon sa kalihim, ngayong araw nila ipapasa ang aplikasyon sa Food and Drug Administration (FDA), na nangangasiwa sa mga aplikasyon ng emergency use authorization.
“Ang DOH maga-apply ng EUA sa FDA para sa Sinopharm dahil nga mayroon ng emergency use listing na inilabas ng WHO,” ani Duque sa interview ng Teleradyo.
Noong Biyernes nang ianunsyo ng WHO na kasali na rin sa kanilang emergency use listing ang naturang Chinese vaccine. Ibig sabihin, pwede nang i-rolyo ng mga bansa ang bakuna ng Sinopharm.
Tulad ng sa Sinovac at Bharat Biotech, gawa sa inactivated virus ang bakuna ng Sinopharm.
Ayon sa WHO, may efficacy rate na 79% ang naturang vaccine brand sa mga symptomatic at hospitalized COVID-19 patients.
Ito rin daw ang kauna-unahang bakuna na mayroong “vaccine vial monitor,” na isang uri ng sticker na nakakabit sa vial o lalagyan ng bakuna.
“It is the also first vaccine that will carry a vaccine vial monitor, a small sticker on the vaccine vials that change color as the vaccine is exposed to heat, letting health workers know whether the vaccine can be safely used,” ayon sa WHO.
Bukod sa Sinopharm vaccine, ginawaran na rin ng emergency use ng WHO ang COVID-19 vaccines ng Pfizer-BioNTech, Janssen, Moderna, at AstraZeneca na gawa ng manufacturer sa South Korea at India.
Una nang sinabi ng FDA na bukod sa vaccine manufacturers, pwede ring mag-apply ng emergency use ang pamahalaan, sa pamamagitan ng DOH.
Noong nakaraang linggo nang maturukan ng Sinopharm vaccine si Pangulong Rodrigo Duterte.