MANILA – Maglalabas daw ng listahan ang Department of Health (DOH) na naglalaman ng presyo ng swab test na ginagawa ng mga lisensyadong laboratoryo para sa COVID-19 testing.
Pahayag ito ng ahensya matapos umapela ang isang mambabatas dahil sa mga ulat na may ilang pasilidad pa rin ang naniningil ng mahal sa RT-PCR tests na kanilang ginagawa.
“We will be posting in numeroud platforms, we will try to expand our dissemination of these prices para ang ating mga kababayan ay alam ang presyo na kanilang kailangan bayaran,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
Sa isang statement, sinabi ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na ilang private hospitals ang naninigil ng labis sa COVID-19 testing, kahit ipinapadala nila sa pampublikong laboratoryo ang specimen para ma-proseso.
“We cannot understand why up to now the DOH’s Health Facilities and Services Regulatory Bureau has not bothered to publish the cost of every COVID-19 PCR test in every licensed laboratory, for all to see. They should stop hiding the cost,” ayon sa kongresista.
Paliwanag ni Usec. Vergeire, may ire-release na administrative order ang ahensya kung saan nakasaad ang mandato ng mga ospital at health facilities na magpaskil ng presyo ng ginagawa nilang COVID-19 swab tests.
Una nang naglabas ng joint administrative order ang DOH at Department of Trade and Industry (DTI) kung saan itinakda sa pagitan ng P3,000 hanggang P5,000 ang price range ng COVID-19 swab test.
“Kasama kasi ito sa requirement ng Universal Health Care law. Ima-mandato natin sa facilities na kailangan nilang mag-post ng kanilang mga presyo like tarpaulins, leaflets, menus of services or website para malaman ng pasyente yung kanilang gastos.”
As of December 12, mayroon nang 147 na lisensyadong RT-PCR testing laboratories sa bansa. Nasa 45 naman ang lisensyadong GeneXpert labs. May 81 laboratoryo pa ang naka-pending ang aplikasyon at 55 ang nasa malapit nang matapos sa proseso.
Ayon kay Usec. Vergeire, isang laboratoryo ang kanilang na-monitor na hindi sumusunod sa direktibang price range sa COVID-19 test.
“We have started the monitoring… tayo ay nagpadala na ng letter for them to explain.”
“Aantayin natin yung response nila kung ano yung sagot nila if its valid or not, or they should be penalized.”