Planong magpasaklolo ng Department of Healt sa Department of Education para sa mas pagpapalawig pa sa information drive sa mga kabataan hinggil sa masamang epekto sa kalusugan ng paggamit ng e-cigarettes o mga vape products.
Ito ang inihayag ni Health Sec. Ted Herbosa matapos na mapag-alamang hindi maraming mga kabataan ang nawiwili sa pagbili ng mga vape hindi lamang sa mga physical stores kundi maging sa online.
Ayon sa kalihim, ito ang dahilan kung bakit kinakailangan na mas paigtingin pa ang kanilang ginagawang information dissemination ukol dito lalo na ngayong napapaulat na tumataas na rin ang bilang ng mga pasyenteng may edad na 16 na taong gulang na dumaranas ng EVALI o E-cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury.
Aniya, magpapatulong siya sa Deped upang tiyakin na mabibigyan ng tamang edukasyon ang mga bata ukol dito kung saan ituturo sa kanila na oras na ma-damage ang kanilang mga baga ay hindi na ito mapapagaling pa at habang buhay na nilang pagdudusahan ito.
Samantala, kasabay nito ay muli namang umapela si Herbosa sa lahat ng mga magulang at guardian na ipaalam sa kanilang mga anak ang mga health risks na dala ng paggamit ng vape.
Kung maaalala, una nang nanawagan ang DOH sa Philippine National Police na tiyakin hindi magkakaroon ng access ang mga underage individual sa mga vape at e-cigarettes.