-- Advertisements --

Mahigpit pa ring binabantayan ng Department of Heallth (DOH) ang kalagayan ng mga deboto sa nagpapatuloy na Traslacion 2025.

Sa datos ng DOH hanggang kaninang alas-sais ng gabi, nakapagtala na ng tatlong daan at tatlumpu’t dalawang (332) konsultasyon sa mga medical stations na nakapwesto sa ruta ng andas.

Ang mga pangunahing kondisyong naitala ay kinabibilangan ng mga debotong nagtamo ng sugat (76 na kaso), sakit ng ulo at pagkahilo (74 na kaso), altapresyon (54 na kaso), at iba pang kasong medikal. Labimpitong (17) indibidwal naman ang kinailangang dalhin sa ospital upang mabigyan ng karagdagang atensyon.

Kaugnay nito, muling pinaalalahanan ng DOH ang lahat ng mga debotong dumalo na uminom ng maraming tubig, kumain ng masustansiyang pagkain at maglaan ng sapat na pahinga matapos ang Traslacion upang mapanatili ang maayos na kondisyon ng katawan.

“Patuloy na magbabantay ang DOH hanggang sa maayos na makauwi ang ating mga kababayan na lumahok sa Traslacion. Kasama ang ating mga katuwang na ahensya, kami ay handang magbigay ng tulong sa anumang uri ng medikal na pangangailangan at emergency,” ani Health Secretary Teodoro J. Herbosa.

Samantala, mananatiling nakataas ang Code White Alert hanggang ika-10 ng Enero upang masiguro na ang lahat ng itinalagang medical personnel, kagamitan, at pasilidad sa NCR, Central Luzon at CALABARZON ay nakahanda upang mabilis na tumugon sa mga emergency o insidenteng may kaugnayan sa kalusugan.