VIGAN CITY – Paiigtingin ng Department of Health (DOH) ang pakikipag-ugnayan nito sa mga local government unit sa bansa kaugnay ng outbreak vaccination program na kanilang nakatakdang gawin laban sa sakit na polio.
Ito ay ukol pa rin sa pagbabalik ng nasabing sakit sa bansa matapos ang 19 na taon base na rin sa huling tala ng DOH.
Sinabi sa Bombo Radyo Vigan ni Health Undersecretary Eric Domingo na kailangan umano nila ang tulong ng mga LGU sa bansa upang maipaalala sa mga residente na kailangang masunod ang mga nakatakdang schedule ng pagbabakuna sa mga bata.
Ito ay hindi lamang para malabanan o mapuksa ang polio virus bagkus kasama na rin ang iba pang virus na nagdudulot ng iba pang sakit.
Hindi naman ikinaila ni Domingo na karamihan talaga ng mga naaapektuhan ng polio ay ang mga batang nakatira sa mga lugar kung saan mayroong hindi maayos na palikuran at kontaminado ang tubig na kanilang iniinom.
Dahil dito, muling hiniling sa publiko ng opisyal na maliban sa proper hygiene ay marapat lamang na ugaliin nilang maglinis sa kanilang bakuran at siguruhing malinis ang lahat ng mga kinakain at iniinom na tubig.