Nagkaroon na ng review ang Department of Health (DOH) kaugnay sa ginawang COVID-19 response ng Pilipinas.
Sa budget plenary deliberation ng Senado, inihayag ni Senadora Pia Cayetano, dumidepensa sa pondo ng DOH, na binigay na ng ahensya sa opisina ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang final report ng ginawa nilang review.
Ayon sa Senadora, isa aniya itong technical review ng mga hakbang na pinatupad ng pamahalaan para tugunan ang COVID-19 pandemic.
Nakapaloob din sa report na ito ang naitalang vaccine wastage ng bansa o ang bilang ng mag COVID-19 vaccine na hindi na nagamit.
Hindi naman na aniya kasama sa report ang kabuuang halaga ng nagastos ng Pilipimas para sa pagtugon sa pandemya maging ang epekto ng pinatupad na COVID19 response sa ating national debt.
Kaugnay naman nito, ibinahagi ni Cayetano na maghahain siya ng resolusyon para maidetalye ng DOH sa Senado ang nilalaman ng report na ito.