Muling nagpaalala ang Department of Health (DOH) sa mga medical doctor na bawal tumanggap ng anumang regalo o pribilehiyo mula sa pharmaceutical companies.
Kabilang kasi sa mga natanggap na ulat ng ahensya na ang ilan sa mga ito ay nagbibigay ng pribilehiyo sa naturang mga kumpanya kapalit ng endorsement nila sa mga brand ng gamot.
Tiniyak naman ni Health Secretary Teodoro Herbosa na ang mga ito ay mahaharap sa kasong administratibo sa oras na sila ay mapatunayang sangkot sa ganitong uri ng kalakalan.
Giit ni Herbosa, ang ganitong gawain ay malinaw na paglabag sa Code of Ethics ng mga medical doctors.
Sa ilalim nito ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga doktor na mag-endorso ng kahit anong brand ng gamot.
Kabilang umano sa mga natatanggap ng ilang doktor mula sa ilang pharmaceutical companies ay free trip sa ibang bansa, mga sasakyan at iba pang regalo.