Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sasalo pa rin sa mga Pilipino sakaling matuloy ang plano ni Pangulong Rodrigo Duterte na pagpapabuwag sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Ayon kay DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire, nirerespeto ng kanilang ahensya ang prerogatibo ng presidente na naka-batay naman sa mga ebidensyang ipinipresenta sa kanya ng mga opisyal.
“Kapag nangyari ‘yan hindi papayag ang gobyerno na hindi natin pupunan kung ano man yung magiging kakulangan natin.”
Sa kanyang public address nitong Lunes, sinabi ni Duterte na hihilingin niya sa Kongreso ang pag-abolish sa PhilHealth dahil sa issue ng katiwalian sa loob ng tanggapan. Hindi rin umano ikinokonsidera ng pangulo ang privatisation ng state-health insurer dahil wala ng pera ang pamahalaan.
“Itong PhilHealth, I am going to propose to Congress to abolish the… Kung i-privatize mo naman, susmaryosep, walang pera. Sino insurance mo…? Huwag mo sabihin ng mga kapitalista sa insurance: Kami ang magbayad? Wala kayong pondo”
Kung matutuloy ang plano ng chief executive, ani Vergeire, hindi papabayaan ng pamahalaan na maghirap ang mga Pilipino para magkaroon ng na access sa healthcare system.
Hihintayin daw ng DOH ang desisyon ng Office of the President sa panukala at pag-aaralan kung anong serbisyo na maaaring pumalit sa PhilHealth.
Sa ilalim kasi ng National Health Insurance Act na nagtatag sa PhilHealth, dapat may access sa angkop na health services ang mga Pilipino.
“We assure the population hindi pababayaan ng gobyerno na wala tayong ipapalit na financial mechanism para patuloy pa rin makakasuporta ang gobyerno sa ating mga kababayan para sa kanilang kalusugan.”
Kamakailan nang irekomenda ng inter-agency committee ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga opisyal ng PhilHealth na sangkot sa umano’y korupsyon sa loob ng ahensya. Hindi kasali rito si Health Sec. Francisco Duque na chairma ng ex-officio board.