-- Advertisements --
DOH

Isiniwalat ng Commission on Audit ang mga gamot at iba pang uri ng imbentaryo ng Department of Health (DOH) na nagkakahalaga ng P7.43 bilyon ay natagpuang expired na at halos expired na.

Sinabi ng mga state auditor sa 2022 annual audit report sa DOH na ang kakulangan sa procurement planning, hindi magandang distribution at monitoring system, at iba pang kahinaan sa internal controls ay nagresulta sa pag-aaksaya ng pondo at resources ng gobyerno.

Nakasaad sa audit report na ang Presidential Decree No. 1445 o ang Government Auditing Code of the Philippines ay nagsasaad na ang lahat ng resources ng gobyerno ay dapat pangasiwaan alinsunod sa batas upang maiwasan ang pag-aaksaya.

Binanggit din ng audit team ang 2022 General Appropriations Act na nag-aatas na ang imbentaryo ng mga supply na bibilhin ay hindi lalampas sa dalawang buwang kinakailangan ng ahensya.

Ang mga expired na gamot at iba pang imbentaryo ay umaabot sa P2.391 milyon, ang mabagal na paglipat ng mga stock ay umaabot sa P5.6 bilyon at ang pagkaantala o hindi naipamahagi na mga imbentaryo ay nagkakahalaga ng P1.5 bilyon.

Binanggit din sa ulat ang 2.2 milyong vial at 1.6 milyong dosis ng mga nasayang at nag-expire na mga bakuna sa COVID-19 pati na rin ang mga soon to expire na bakuna na may bilang na 11,976.

Sa panig naman ng pamunuan ng DOH sa mga auditor, iniutos nito ang tamang pagtatapon ng mga expired na gamot.

Inatasan din ng DOH ang mga official supplier na subaybayan ang mga natitirang stock bago tumanggap ng mga deliveries, bukod sa iba pang mga hakbang upang maiwasan ang overstocking.