-- Advertisements --

Ibinahagi ng Department of Health medical team ang kanilang karanasan sa pagbibigay ng emergency medical assistance sa mga naapektuhan ng tumamang magnitude 7.7 na lindol sa Myanmar.

Ayon kay Dr. Ivy Lozada, isa sa team leader ng DOH Philippines Emergency Medical Assistance team (PEMAT) na ipinadala sa Myanmar, may ilang mga hamon na kinaharap ang grupo kabilang ang komunikasyon at mainit na temperatura.

Subalit may mga nagboluntaryo din na mga kababayang Pilipino na guro at mga estudyante bilang interpreters.

Kabilang sa mga serbisyong isinagawa ng medical team ng PH sa mga naapektuhan ng lindol ay outpatient department services gaya ng medical consultation, basic laboratory examinations, therapy, psychosocial services at essential medications.

Bilang isang Yolanda survivor, itinuturing ni Dr. Ivy ang pagbibigay ng tulong sa Myanmar bilang pagsukli sa ginawang pagtulong noon ng bansang Myanmar sa Tacloban city sa lalawigan ng Leyte noong manalasa ang Super Typhoon Yolanda.

Una rito, pinamunuan ni Dr. Ivy Lozada ang PEMAT sa kanilang misyon sa Myanmar kung saan nagbigay ang grupo ng mga serbisyong medikal sa mga naapektuhan ng lindol.

Samantala, sa pagbabalik bansa ng medical team na kasama sa Philippine contingent, kinilala ni Health Sec. Ted Herbosa ang husay, tapang at sakripisyong ipinamalas ng PEMAT sa kanilang pagbibigay ng tulong sa mahigit 1,000 pasyenteng naapektuhan ng lindol.