Lumobo pa sa 41,830 ang kabuuang bilang ng COVID-19 cases sa bansa batay sa pinakabagong data ng Department of Health (DOH).
Sa latest case bulletin ng ahensya, sumampa sa 1,494 ang panibagong mga kaso na naiulat ngayong araw.
Mula sa nasabing bilang, 403 ang fresh cases o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta ng test at na-validate sa nakalipas na tatlong araw.
Ang late cases naman o mga kaso ng sakit na lumabas ang resulta ng test sa nakalipas na apat na araw pero ngayon lang na-validate ay nasa 1,091.
Nakapagtala din ng panibagong 380 na mga gumaling sa sakit, kaya ang total recoveries ay umabot na sa 11,453.
Habang ang death toll naman ay nadagdagan ng 10 kaya ang kabuuan ay 1,290.
Sa 10 napaulat na nasawi dahil sa deadly virus, walo sa mga ito ang nangyari noong buwan ng Hunyo.
Paalala ng DOH, maaari pa ring magbago ang mga iniuulat na total cases dahil sumasailalim ang mga ito sa masusing validation.