-- Advertisements --

Bumaba umano ang kaso ng mga firecracker related injuries ayon sa DOH kasabay ng pagsalubong ng bansa sa taong 2020.

Ito ay matapos maitala ng ahensya na mayroong 164 injuries mula Dec. 21 hanggang kaninang umaga.

Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, ito ay mas mababa ng 87 cases o 35 porsiyento kumpara noong nakaraang taon.

Wala naman daw naitalang namatay dahil sa paputok ngunit inaasahan ng ahensya na tataas pa ang bilang ng mga sugatan dahil hanggang Jan. 6 pa ang kanilang ginagawang pagtatala.

Wala rin silang nakuhang impormasyon na mayroong sugatan o namatay dahil sa ligaw na bala.

Dagdag pa ni Duque, patunay lamang daw ito na matagumpay ang kampanyang “Iwas Paputok” ng kanilang ahensya dahil mas naging maingat umano ang publiko sa paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok.