-- Advertisements --

MANILA – Naipadala na ng Department of Health (DOH) sa Professional Regulation Commission (PRC) ang liham na nage-endorsong maimbestigahan ang mga doktor na nag-reseta ng ivermectin sa Quezon City noong nakaraang linggo.

“Nakapagpadala na tayo ng formal letter sa PRC last Friday, and they have acknowledged this,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.

Nakasaad daw sa liham ang kwento at mga ulat tungkol sa umano’y “invalid” prescription na binigay ng mga doktor na kasali sa inilunsad na aktibidad ng ilang mambabatas.

Hiningi na rin daw ng Health department ang impormasyon tungkol sa partikular na propesyon ng nasabing mga doktor.

Ayon kay Vergeire, inutusan na ni Sec. Francisco Duque III ang Food and Drug Administration para magsagawa ng “parallel investigation.”

“Pinag-aaralan yan ngayon, iniimbestigahan, magbibigay tayo ng impormasyon kapag mayroon na silang ibinigay sa atin na response.”

DOCTORS IVERMECTIN DEFENSOR QC
IMAGE | Doctors who gave “invalid” prescription to the residents of Brgy. Matandang Balara in Quezon City last week, according to Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor/Screengrab

Kabilang sa mga doktor na nagbigay ng sinasabing invalid prescription sina Dr. Allan Landrito, Dr. Iggy Agbayani, Dr. Raffy Castillo, at Dr. Sham Quinto.

Una nang umapela sa DOH ang naglunsad ng aktibidad na si Anakalusugan Party-list Rep. Mike Defensor, na huwag parusahan ng ahensya ang mga doktor.

Sa halip, sila ni SAGIP Party-list Rep. Rodante Marcoleta na lang daw ang habulin ng Health department.

Ayon naman kay Vergeire, susundin lang nila kung ano ang nakasaad sa batas kaugnay ng issue.

“We will according to the existing laws we have in the country, identified violations, and accountable person. Uphold namin yung nakalagay sa batas.”

Sa ilalim ng FDA Act of 2009, ipinagbabawal ang manufacturing, distribusyon, at pagbebenta ng mga hindi rehistradong gamot.

Wala pang rehistradong ivermectin sa Pilipinas bilang treatment sa mga pasyente ng COVID-19.

Ayon sa World Health Organization at European drugmaker na Merck, walang sapat na ebidensyang mabisa at ligtas laban sa coronavirus ang ivermectin.