MANILA – Nilinaw ng Department of Health (DOH) na may susundin pa ring “prioritization” kapag nagsimula na ang COVID-19 vaccination sa A4 group o essential workers.
Ayon kay Health Usec. Leopoldo Vega, ituturing na priority sa vaccination ng essential workers ang mga manggagawang 40-years old pataas.
“Itong June na to, bibilisan ang A1 to A3, may special lane ho ‘yan. Hindi mawawala sa vaccination centers, saka sa A4 dahan-dahan na. Lalo na 40 years old, uunahin sa mga working group. Mauuna ‘yung mas matanda. ‘Yung vulnerability kasi sa COVID-19 mas mataas sa matatanda,” ani Vega sa panayam ng DZBB.
Una nang sinabi ng DOH na posibleng sa Hunyo magsimula ang pagbabakuna sa essential workers.
Nitong Biyernes, sinabi rin ng Malacanang na kasali na sa A4 priority group ang lahat ng government at private workers, at mga nagta-trabaho sa informal sector.
Ayon sa National Economic and Development Authority (NEDA), tinatayang 35.5-milyong manggagawa ang inaasahang mababakunahan sa ilalim ng A4 priority group.
Batay sa huling datos ng DOH, nasa 5,120,023 indibidwal na ang nababakunahan ng bansa laban sa COVID-19.