MANILA – Pitong araw na quarantine na lang ang pagdadaanan ng mga indibidwal na naturukan na ng COVID-19 vaccine sa mga itinuturing na “green countries.”
Ayon sa Department of Health, bahagi ng protocol na “green lane” ang mas maluwag na quarantine sa mga biyaherong fully vaccinated na.
“Itong green countries we adapted the list of countries na low risk sa listahan ng CDC (Centers for Disease Control and Prevention) na naipalabas nila,” ani Health Usec. Maria Rosario Vergeire.
“We try to streamline a little bit by looking at the incidence rate of these countries.”
Kamakailan nang i-anunsyo ng Malacanang na 57 bansa ang kinikilalang “green countries” ng Pilipinas.
Ibig sabihin, ang mga biyaherong fully vaccinated at manggagaling sa mga naturang bansa ay isasailalim na lang sa pitong araw na quarantine, at testing sa ika-anim na araw.
Una na ring pinayagan ng pamahalaan ang mas maluwag na testing at quarantine sa mga biyaherong nabakunahan bago umalis ng Pilipinas at babalik ng bansa.
“Pagbalik nila dito papasok sila sa protocol ng green lane na pitong araw na quarantine at testing na ikalimang araw. And when they are negative they can be sent home and monitored by the local government.”