Inihayag ng Department of Health (DOH) na ang pinakabagong datos sa mga kaso ng dengue ay nagpapakitang hindi pa kinakailangan ang deklarasyon ng isang national dengue outbreak.
Bagamat noong nakaraang Lunes, sinabi ni Health Secretary Teodoro Herbosa na inihahanda na ng DOH ang pagdedeklara ng dengue outbreak sa bansa.
Ayon kay Health Assistant Secretary Albert Domingo, matapos na matukoy sa datos, hindi lahat ng mga lugar sa buong bansa ay hindi pasok sa kwalipikasyon para sa deklarasyon ng outbreak o epidemic declaration.
Gayunman, iginiit ni Domingo na may awtoridad pa rin ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan na magdeklara ng localized disease outbreaks sa kanilang mga lugar.
Dagdag pa nito na ang ahensya ay patuloy na nakikipag-usap sa mga local epidemiology and surveillance units upang magbigay ng sapat na siyentipikong batayan upang mapayuhan nila ang kanilang mga lokal na punong ehekutibo.
Patuloy namang tumataas ang kasong vector-borne disease o dengue sa bansa.
Mula Enero 1 hanggang Agosto 10, mayroong 150,354 na kaso ng dengue sa buong bansa, o 39 porsiyentong mas mataas kumpara sa 107,953 na kaso ng dengue na naiulat sa parehong panahon noong 2023.
Sa ngayon ay mayroon nang 396 dengue deaths mula Enero 1 hanggang Agosto 10 ang naitala sa Pilipinas , mas mababa sa 421 na pagkamatay na naitala sa parehong panahon noong nakaraang taon.