-- Advertisements --

Nagpaliwanag ngayon ang Department of Health (DOH) sa napaulat na pagkaantala sa pagbibigay ng sahod, hazard pay at special risk allowance ng mga medical frontliners.

Sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, maraming factors ang dahilan kabilang dito ang interpretasyon ng dalawang batas na Bayanihan 1 at Bayanihan 2 kung saan nakapaloob ang mga nasabing benepisyo ng mga medical frontliners.

Ayon kay Usec. Vergeire, binigyang otoridad ng Bayanihan 1 ang DOH na magbigay ng insentibo sa mga healthcare workers pero nakalagay sa batas na dapat mga nag-duty lamang noong panahon ng enhanced community quarantine (ECQ), mula Marso 15 hanggang Mayo 16.

Inihayag ni Usec. Vergeire na noong ipinalabas ang nasabing batas, maraming pasilidad ang walang budget o extra budget para rito kaya ang DOH ang nagbigay ng karagdagang budget sa mga government facilities para maibigay ang nasabing insentibo.

Sa Bayanihan 2 naman ay nakapag-download na umano ang DOH ng pera para rito para maibigay na.

Ipinaliwanag pa ni Usec. Vergeire na hindi saklaw ng DOH ang mga taga-UP na healthcare workers kaya wala silang maibibigay na dagdag na pondo.

Pero nakahanap na rin daw ang UP ng pondo para maresolba ang isyu at mapunan ang pagkukulang nila sa budget para sa insentibo ng kanilang healthcare workers.