Nagdeploy ang DOH ng Health Emergency Response Team (HERTs) sa mga evacuation centers sa lalawigan ng Albay, Camarines Sur, Matnog Port at iba pang lugar na lubhang apektado ng bagyong Kristine.
Ayon kay Health Sec. Ted Herbosa, nakahandang rumesponde ang tatlong DOH Philippine Emergency Medical Assistance Team (PEMAT) sakaling kailanganin pa ng karagdagang emergency team.
Bihasa sa pagsasagawa ng serbisyong medikal ang DOH PEMAT sa panahon ng sakuna tulad ng bagyo at lindol. Ang mga ito ay international medical teams na may 30 miyembro. Kumpleto rin sa water, sanitation, and hygiene (WASH) facility ang grupo para sa outpatient care.
Binubuo ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium (PEMAT Metro Manila), Jose B. Lingad Memorial General Hospital (PEMAT Luzon), at Eastern Visayas Medical Center (PEMAT Visayas) ang mga itinanghal na PEMAT ng WHO, na handa at sinanay na rumesponde sa mga domestic at international deployment.
Una ng sinabi ng kalihim na plano niyang ideploy ang mga ito sa Bicol, Northern at Central Luzon.
Ang isa nga sa naturang medical team ay una ng dineploy noong tumama ang malakas na lindol sa bansang Turkey ilang taon na ang nakakalipas.