-- Advertisements --

Humingi ng paumanhin ang Department of Health (DOH) ukol sa kanilang pahayag na magbibigay sila ng P500 allowance sa mga doktor at nars na magboboluntaryong ibigay ang kanilang serbisyo sa paglaban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Umani kasi ng batikos ang nasabing anunsyo ng DOH dahil sa umano’y kakarampot na bayad sa mga volunteer doctors at nurses.

Ayon kay DOH Usec. Maria Rosario Vergeire, ibinase raw ang nasabing halaga sa kanilang ibinibigay sa mga volunteers sa nakalipas na mga outbreak.

“Humihingi rin po kami ng tawad kung ang impresyon na naibigay ng P500 daily allowance ay ganito lamang ang halaga na ibinibigay namin sa ating health care workers,” wika ni Vergeire.

“Hindi po ito mas lalayo pa sa katotohanan […] ‘Yung P500 po ‘yan na inilagay natin sa ating protocol, allowance po ‘yan na inilagay namin para meron po pang-araw araw ang ating mga health care workers.”

Naglunsad na rin ang kagawaran ng isang Health Warrior Portal kung saan nasa 593 doktor na ang nag-volunteer.

Tiniyak naman ni Vergeire na kanilang aasikasuhin ang bayad sa mga workers, maging ang pagbili sa mga personal protective equipment, health facilities, at COVID-19 health packages sa oras na maipasa na sa Kongreso ang COVID-19 response package.