LAOAG CITY – Nagbabala si Undersecretary Gerry Bayugo ng Department of Health (DOH) laban sa sakit na leptospirosis sa mga binahang residente dahil kay bagyong Ineng sa lalawigan ng Ilocos Norte.
Sa press briefing na isinagawa sa provincial capitol dito sa lalawigan, sinabi ni Bayugo na marami silang ipinamahaging gamot sa lalawigan para sa nasabing sakit.
Ipinaliwanag ni Bayugo na hindi dapat balewalain ang sakit na leptospirosis dahil pwede itong ikamatay.
Aniya, kapag napabayaan ang sakit na leptospirosis at lumala ay magdulot ito ng komplikasyon na maaring magresulta sa pagkamatay ng pasyente.
Una nang kinumpirma ni Dr. Marie Joyce Urnos-Santos, Infectious Disease Specialist sa Mariano Marcos Memorial Hospital and Medical Center sa lungsod ng Laoag na isa na ang patay sa Ilocos Norte dahil sa sakit na leptospirosis.