-- Advertisements --

LEGAZPI CITY — Posibleng madagdagan pa umano ang bilang ng kaso ng tigdas sa Bicol lalo na ngayong summer.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Department of Health (DOH) Bicol Dir. Dr, Ernie Vera, mas nakahahawa ang tigdas kapag mainit ang panahon kaya’t maaaring tumaas pa ang naitatalang measle cases na sa ngayon ay pumapalo na sa mahigit 480.

Giit ni Vera na malaking bagay ang pagpapabakuna upang maiwasan ang nasabing sakit.

Maliban sa tigdas, uso rin ngayong summer ang sunburn, diarrhea, sore eyes, rabies, sipon at ubo, maging ang heatstroke.

Ayon pa sa DOH official, kahit nagagamot ng antibiotics ang mga sakit na available sa health centers, mas maigi pa rin aniyang maiwasan ang mga ito.

Isa sa mga paraan ay ang hindi gaanong pagbababad sa init, paggamit ng sunscreen kung tutungo sa dagat, pagsusuot ng loose o maluwang na damit, pagkakaroon ng maayos na personal hygiene at ang palagiang paglinis ng kapaligiran.