Nagbabala ang Department of Health (DOH) sa posibleng disease outbreaks sa Pilipinas kung mananatiling mababa ang vaccination rates.
Ito ay matapos maitala ng Pilipinas ang mababa sa 95% target nito para sa Full Immunization Coverage (FIC) noong 2024.
Sa sidelines ng National Immunization Summit, tinukoy ni Health Assistant Secretary for the Public Health Services Cluster Farwa Hombre ang vaccine hesitancy bilang pangunahing dahilan para sa mababang immunization rates sa bansa.
Inamin din nito na nakaapekto sa pagbaba ng tiwala ng publiko sa mga bakuna ang kontrobersiya sa Dengvaxia vaccines, ang bakuna kontra dengue.
Nagbabala din ang opisyal na kung mabigong maabot ang 95% target ay maaari itong humantong sa muling paglitaw ng mga sakit na dati nang nakontrol.
Binigyang diin naman ni ASec. Hombre na ang ibang bakuna sa ilalim ng National Immunization Program ay matagal ng napatunayang ligtas at epektibo.
Bunsod nito, hinihimok ng opisyal ang publiko na magpabakuna lalo na sa mga bata.
Para naman matugunan ang mga ipinapakalat ng mga anti-vaxxer na maling impormasyon online, pinaigting na ng DOH ang health education at promotions nito, pakikipagtulungan sa social media platforms para itake-down ang mga maling impormasyon hinggil sa bakuna gayundin nakikipag-ugnayan na ito sa mga ahensiya para habulin ang mga nagpapakalat ng maling impormasyon.