Nagbabala ang Department of Health sa publiko laban sa mga maling impormasyon na kumakalat hinggil sa pinagmulan ng Covid 19 kabilang na ang kaukulang treatment nito.
Sa inilabas na statement ng ahensya, pinag-iingat nito ang publiko sa mga maling impormasyon na kung saan sinasabing nadiskubre ng bansang Singapore na hindi virus ang covid sa halip ito ay isang bacteria na exposed sa radiation.
Nagiging dahilan ito ng pagkamatay ng isang tao dahil umano sa pamumuo ng dugo.
Una nang nilinaw ng Singapore Ministry of Health na hindi nanggaling sa kanila ang naturang impormasyon.
Muling nilinaw ng ahensya na ang covid ay sanhi ng SARS-CoV-2 virus at hindi ng bacteria.
Inabisuhan rin ng DOH ang lahat na maging bigilante at mapanuri sa mga nababasang impormasyon.